Showing posts with label Filipiniana. Show all posts
Showing posts with label Filipiniana. Show all posts

Sunday, January 31, 2010

Si Blackie at si Brownie

Mahilig magpalaki at mag-alaga ng magagandang aso ang aking ama --isang bagay na tila likas na sa kanya. Mahal ko ang mga aso ni ama, at itinuturing namin silang bahagi na ng pamilya. Gayunpaman, isang hindi inaasahang bagay ang nangyari. Kung ito man ay maaaring napigilan o hindi, ay hindi ko alam. Nalugi ang dalawang negosyo ni ama at nabaon siya sa maraming utang. Kinakailangang magtipid ng pamilya, at labag man nang todo sa kanyang dibdib, nag-desisyon si ama na isa-isang ipagbili ang kanyang mga alagang aso. Una, dahil kailangan nga namin ng pera, at pangalawa dahil wala na siyang mapakain sa mga ito. Oo, mahal ni ama ang kanyang mga aso, ngunit hindi sa puntong mas mahal niya ang mga ito kaysa kay ina at sa aming magkakapatid. 

Bawat linggo, isa sa mga alagang aso ni ama ang kinakailangang mamaalam. Sa puntong ito ng aking buhay, dalawang partikular na aso ang ninais at pinag-desisyunan kong layuan: si Blackie, dahil masyado na itong napapalapit sa akin; at si Brownie, dahil masyado na akong napapalapit sa kanya.

Nakita kong hindi naging manhid sila Blackie at Brownie sa ginawa kong pag-iwas. Naging malungkutin sila. Hindi na sila nagtatatakbo sa hardin gaya ng dati, at napakadalang na nilang makipag-laro sa isa't isa.

Bagama't si Brownie ay isang aso lamang, nakita ko sa kanyang mukha ang tila isang itsura ng pagtataka, na para bagang nagwiwika sa kanyang isip: "Bakit bigla na lang nagbago ang pakikitungo ng amo sa akin? Ano ba ang aking nagawa?" Napakasakit para sa akin ang makita ito, ngunit alam kong magiging mas masakit para kay Brownie, kay Blackie, at sa akin kung hindi ko ito gagawin.

Nilayuan ko si Blackie upang sanayin siya sa pagkawalay niya sa akin, at nilayuan ko si Brownie upang sanayin ang aking sarili sa pagkawalay ko sa kanya. Matapos ang isang linggo, pinagbili na rin ni ama si Blackie, at isang linggo pa matapos nun, ay si Brownie naman. Ako'y tumangis. Ngunit matapos ang aking pagtangis, ako'y napangiti, dahil alam kong balang araw, sa pagyamang muli ni ama, bibilhin ko pabalik si Brownie, sa eksaktong panahon na iyon, muli ko siyang susuyuin at malayang makikipaglaro sa kanya. At hindi na kami kailan man maghihiwalay.

© 2010, Karl Zion M. Remojo

Wednesday, March 18, 2009

Isang Lihan

Ika-7 ng Mayo

Mahal Kong Ikaw,


Kamusta na? Mangilan-ngilang buwan na din nang huli akong makatanggap ng liham mo. Marami tayong kailangang pag-usapan.

Tinanggap ko na ang proyektong ipinapagawa ni Karding (‘yong ikinukuwento ko sa’yo matagal na). Tila iyon na lang kasi ang tanging paraan. Sabi niya dapat ko daw itong matapos sa loob ng dalawang linggo. Kalahati pa lang ang natatapos ko sa ngayon.

Kamusta na nga pala iyong mga binilin ko sa’yo? Natanggap mo na ba yaong kahong ipinabigay ko kay Rita para sa’yo? Nabuksan mo na ba ito? Ingatan mong mabuti ang laman niyan at hangga’t maaari, huwag mong hayaang may ibang makaalam. Balak kong pumunta diyan sa isang buwan. Hay, kung alam mo lang, ang dami kong nais sabihin sa’yo; ang dami mong kailangang malaman, ngunit gaya na rin ng payo ng itay, hindi pa ito ang tamang panahon. Ihanda mo ang iyong sarili sa mga posible mong malaman, ‘pagkat ito’y mga bagay na hindi pangkaraniwang naririnig ng mga tao. Ipagpaumanhin mo kung pinasasabik o pinag-aalala man kita. Hindi ko lang nais mabigla ka sa mga darating na pangyayari.

Alam mo bang buhat nang umalis ka’y hindi kakaunti ang mga problema’t suliraning bumisita dito. Kung mahina ang loob ng isang tao, maaaring siya’y sumuko na sa kanyang mga naranasan sa lugar na ‘to. Gayunpaman, kitang-kita ko naman kung paano siyang nagpupursigeng magpatuloy sa paglalakad.

O anong rami ng aking mga pangarap at nais mapangyari! Gayunpaman, nararamdaman kong wari’y hindi ko na aabutan ang karamihan dito. Kung tama man ako o mali – panahon lang ang makapagsasabi.

Maraming balitang nalalapit na daw ang kanyang pagpunta dito sa ‘tin. Siya umano ay nasa Bansang Hapon sa ngayon ayon sa mga nakasaksi, at ayon sa usap-usapan, paparito siya sa Pilipinas sa Agosto.

Huwag mong limutin ang aking mga bilin. Gaya ng aking pangako, pupuntahan at susunduin kita diyan sa Hunyo. Tapos, sabay natin siyang kakausapin.

Hintayin mo ‘ko.

Lubos na Nagmamahal,
Ako

P.S. Makatutulong nang malaki ang iyong mga dasal.

Thursday, March 12, 2009

Ang Dulot ng Kasalanan

‘Lang dulot ang kasalanan
Hatid lang niya’y kalungkutan
Lungkot na nagpapabigat
Na sa buto’y pampahina

Uubusin ang ‘yong galak
Sisimutin pati lakas
Hanggang matira lang sa ‘yo
Ay tila mumog sa lapag

Wari ba’y ‘yong pagpapalit
Ang Buhay na matiwasay
Sa sinisigaw ng laman
Na sandaling kaaliwan?

Kayrami na ng natumba
Kayrami na ng bumagsak
Lahat nga sila’y patunay
Kasalana’y pumapatay

‘Di mabilang na kalul’wa
Daang mal’wang tinutungo
Paglalakbay- anong saya
Ngunit destinasyo’y impiyerno

Sa Diyos ng ‘yong kabataan
Ibaling ang mga mata
Nang ngiti ng kapayapaa’y
Muling gumuhit sa mukha

Karunungan ay sa Kanya
Pag-intinding ‘lang sing taas
Kagaya Niya’y ano’t wala
Hatid Niya’y Buhay na Wagas

© 2009, Karl Zion M. Remojo

Bukang Liwayway (Tula 258)


Sa ‘yong mga mata, aking saksi
Ang mga bagay ng hinaharap
Mga Sinag ng Bukang Liwayway
Na siyang patuloy ang pagliwanag

Sa ‘yong mukha’y nakikita sila
Mga perlas na tunay nga’y atin
Yamang hindi maikukumpara
Sa kahit ‘no mang sa mundo’y galling

Maganda ang nasa hinaharap
Maliwanag ang dala ng bukas
‘Di malayo ang yaong pangarap
Tago man kabuuan ng landas

Kung ikaw nga ay para sa akin
Ang Diyos lang ang makapagsasabi
At kung ikaw nama’y sadyang hindi
Ano pa’t layon Niya ang mangyari

Detalyeng buo’y lingid sa ‘king diwa
May mga bagay na ‘di mahinuha
Ang Kanyang Daan ay lalakaran ko
At sa Bahay Niya – ako’y magtutungo

© 2009, Karl Zion M. Remojo

Saturday, October 25, 2008

Ang Buhay ay parang Tong-its: Kabanata Uno


Aking narinig dati (o nabasa 'ata, 'di ko na matandaan), na ang buhay umano ay parang isang Rubik's Cube - magulo ngunit may solusyon din at posible pa ring mabuo at mailagay sa ayos sa huli.


Sa aking sariling pananaw naman, ang buhay ay parang tong-its - isang laro sa baraha. Sa tong-its, hindi mo maaaring piliin ang mga barahang makukuha mo, at kapag nagsimula na ang laro at nailagay na ang mga pusta, wala nang atrasan. Gaya ng sinabi ko, hindi mo maaaring piliin ang mga barahang mapupunta sa'yo.


Tulad din sa tong-its, malaki rin ang papel ng 'suwerte' sa buhay. Ang salitang 'suwerte' dito ay nagsasabing hindi natin kontrolado ang lahat. May kasabihan nga sa Ingles na: "Mas mabuti nang maging masuwerte kaysa matalino" ("Better to be lucky than smart"). At minsan, tama nga naman! May mga bobong mayayaman, at may matatalinong namumulubi.




Ngunit hindi lang 'suwerte' ang may malaking papel sa buhay, meron pang isa, at sa aking pananaw, mas malaki ang papel na ginagampanan nito. Ano ito? - Desisyon.




Ang buhay ay puno ng mga desisyon. Punong-puno talaga! Ayon sa mga pag-aaral, ang isang ordinaryong tao daw ay gumagawa ng humigit-kumulang 2,500 na desisyon sa isang araw. "Anong isusuot ko?; Saan ako dadaan?; Babangon na ba 'ko?; Magre-reply ba 'ko sa txt nia?; Saan ako kakain?; Papasok ba 'ko ngayon?" - 'yan at ang ilang libo pang iba't ibang desisyon ang mga kasama natin sa araw-araw. Bawat desisyon at aksyon ay may hatid na reaksyon. Parang sa tong-its: "Ibababa mo na ba ang bahay mo? Eh pa'no kung masapawan? Bubunot ka ba o pupulutin mo ang tapon ng kalaban mo? Eh ikaw, anong tatapon mo?" - mga simpleng desisyon na gaya nito ang magdidikta ng tindi ng pagkapanalo o pagkatalo mo.




Ngunit hindi gaya ng tong-its, ang buhay ay hindi isang laro. 'Yan ang pagkakamali ng marami, ginagawang laro ang isang bagay na hindi biro. Isa sa mga dahilan kung bakit napaka-halaga ng Buhay ay dahil isang beses lang natin ito maaaring gawin. Isang beses lang tayong puwedeng mabuhay. Sa bidyogeym, may 'Play Again' o 'Try Again' kapag na-game over ka. Pero walang ganito sa layf. Ang game over ay game over. Patay, tepok, dedbol, dedz. Period.




May mga bagay na isang beses mo lang puwedeng maranasan: isang beses mo lang siyang puwedeng yakapin; wantaym mo lang siyang puwedeng isayaw; isang beses mo lang silang puwedeng makatawanan; isang beses mo lang siyang puwedeng ngitian. Ito'y maihahalintulad sa pagpunta sa isang ilog. Bawat agos ay kakaiba. Ang isang agos ng tubig na dumaan na sa'yo ay hindi ka na dadaanang muli. Gustuhin mo man itong balikan, hindi mo na ito puwedeng habulin. Isang panibagong agos naman ang darating, tapos panibago, at panibagong muli.




Kung nagbabasa ka ng mitolohiyang Griyego, makikita mo doon na kina-iinggitan ng mga imortal na mga diyos at mga diyosa ang mga mortal na tao. Bakit? Dahil hindi tulad nilang mga imortal na maaaring gawin ang kahit anong bagay sa pamamagitan ng kahit anong paraan, sa kahit anong oras nila gustuhin, ang maaari lamang gawin ng tao ay tanggapin kung ano ang binabato ng tadhana sa kanya. At isa pa, ang tao ay maaari lamang mabuhay sa loob ng kulang-kulang sampung dekada kaya mas alam niyang namnamin ang bawat sandali at maging masaya. Ang katotohanang ito na ang buhay ay maikli at na isang beses lamang tayo puwedeng mabuhay ang nagpapataas sa presyo at halaga ng Buhay.
© 2008, Karl Zion M. Remojo

Thursday, October 23, 2008

Ang Buhay ay parang Tong-its: Kabanata Dos

Ang Buhay ay parang Tong-its: Kabanata Uno

Balik tayo sa baraha. Kung papaanong hindi tayo maaaring mamili ng mga baraha sa tong-its, kadalasan, sa buhay, hindi din tayo ang namimili ng ating mga responsibilidad. Maaaring habang binabasa mo 'to ay napagtatanto mong tama ang sinabi ko: Ikaw ba ang namili ng kasarian mo? Ikaw ba ang namiling maging panganay ka? Ikaw ba namili ng kurso mo at ng paaralang ginagalawan mo? Ikaw ba namili ng pamilya at lugar kung saan ka pinanganak? Ikaw ba namili ng tatay at nanay mo? Ikaw ba namili ng mga kapatid mo, o 'di kaya'y ng mga anak mo? Ang wikang kinasanayan mo, ikaw ba namili nian? Eh ang ilong mong pango, ang mata mong nakabural, ang kulot mong buhok, ang balat mong sunog, ikaw ba namili ng mga 'yan? Ginusto mo ba yan? Kitam, hindi naman ikaw namili ng mga 'yan 'di ba?





Ang mga bagay na nabanggit sa taas ay ilan lamang sa mga patunay na hindi lahat ng gusto natin ay masusunod at hindi lahat ng mga pinlano at pina-plano natin ay mangyayari. Nakakainis 'di ba? Nakakainis tuwing hindi nangyayari ang mga bagay na gusto natin: Huling episode na ng pinaka-paborito at pinaka-inaabangan mong tele-nobela o anime, tapos biglang nag-brown out sa baranggay nio, ayan tuloy 'di mo napanood; o 'di kaya'y finals na ng liga nio at talagang atat na atat ka nang maglaro, todo warm-up ka na at sobrang sabik nang biglang umulan at hindi natuloy ang laro; o 'di kaya'y may one-time, big-time exam ka kinabukasan at halos 'di ka na natulog para lang tapusing basahin ang sing-kapal ng haloblaks mong libro sa Chemistry para lang marinig ang prof mong magsabing:




"Okay class, canceled exam natin. Enjoy your
vacation!!!"



Oh. . .Matutuwa ka ba o magwawala sa galit? Nakakainis hindi ba? Ngunit kahit gaano nakakainis ang mga bagay-bagay na ito, ito pa rin ang realidad eh. At ito ang dapat nating tanggapin. Isang babala lang mahal na kaibigan, dalawa lang ang kinahihinatnan ng mga taong 'di kayang matanggap ang realidad - maaaring sa sementeryo (suicide) o sa Mandaluyong, sa 'loob' (mental hospital). Kaya kung mahal mo ang buhay mo at mahal mo ang mga mahal mo sa buhay at ang mga nagmamahal sa buhay mo, dapat mong matutunang tanggapin ang realidad na hindi lahat ay kontrolado mo at hindi lahat ng gusto mo masusunod.




Ang isang lumalaking bata o sanggol ay may isang napakahalagang bagay na natututunan. Sa umpisa, kanyang nadidiskubre na napaka-makapangyarihan pala ng kanyang iyak, isang iyak lang niya at ang buong bahay ay taranta na. Isang iyak lang niya at meron na siyang masarap na pagkain o gatas, bagong damit, o bagong laruan. Ngunit habang tumatagal at habang lumalaki siya, kanyang napapansin na humihina ang kapangyarihan ng kanyang iyak. Unti-unti niyang napag-aalaman na hindi lahat ng gusto niya ay kayang ibigay ng kanyang mga magulang. Napag-iisip isip niya na kahit magwala pa siya nang todo-todo, maglupasay sa sahig at magpagulong-gulong, wala pa rin siyang magagawa. Kanyang natututunang tanggapin ang mapait at hubad na katotohanan -

"Hindi lahat ng gusto ko, masusunod."



At sa kanya pang tuluyang paglaki, hindi niya namamalayang kanya na palang ipinapamuhay ang isa sa pinakamahalagang aral sa buhay - Ang Pagtanggap.

© 2008, Karl Zion M. Remojo
Ang Buhay ay parang Tong-its: Huling Kabanata
Nakumbinsi ka ba ng iyong mga nabasa?
Were you convinced by what you've read?

Wednesday, October 22, 2008

Ang Buhay ay parang Tong-its: Huling Kabanata

Ang Buhay ay Parang Tong-its: Kabanata Dos

Paubos na ang mga baraha sa mesa at paubos na din ang aking mga sasabihin - ang buhay ay hindi biro. Alam kong alam mo na 'yan dahil sinabi ko na ito nung simula. Ngunit hindi porke hindi laro ang buhahy, hindi nangangahulugang hindi na ito puwedeng tawanan. Ang totoo nian - masarap mabuhay. Mahirap - oo, pero masarap at masaya.


Imperpekto ang mundong ito - sa tingin ko, hindi na lingid sa'yo yan:


  • Maraming masasamang tao ang malayang gumagala, at maraming inosenteng tao ang nakabilanggo.


  • Maraming mga gahaman at pusakal ang nakaupo sa puwesto at maraming malilinis ang puso na nasa maruruming lansangan.


  • Maraming mahihirap ang inaapi at maraming mapang-aping hindi naghihirap.
Oh ano? Naiinis ka na ba? Naiinis ka na ba sa mundong ito? Imperpekto talaga 'yan kapatid. Wala namang nagsabing madali ang buhay. At hindi mo rin maaaring sabihing madaya ang buhay. Bakit, sa tong-its ba, masasabi mong dinaya ka porke walang pare-pareho at magkakasunod na numero sa mga baraha mo? Hindi naman 'di ba? Ganoon din sa buhay.





May nakapagsabi sa akin dati na ang pinakakaawa-awang tao raw sa mundo ay 'yung mga walang inaasahang maganda sa buhay. Ngunit mas kawawa ka kung ang lahat ng iyong pag-asa at mga inaasahan ay nasa pangkasalukuyang buhay na ito lamang. Mayroong mga tao ng kung makapag-plano at makapagpayaman, akala mo, isang milenyong mabubuhay at titira dito sa daigdig, ngunit sa aking pagkaka-alam, wala pang nakakagawa nun, at walang makakagawa nun.
Ang buhay natin ay tila isang munting patak ng tubig lamang sa gitna ng isang malawak na karagatan, isang butil ng asukal sa buhanginan. Selah (pagbulayan). Balang araw, ang ating buhay ay magwawakas, ang mga baraha'y mauubos, ang laro'y matatapos at ang lahat ng ating mga pinakamamahal (tao man o bagay) ay maglalaho at mawawala. Kaya ano ang pinakamagandang gawin? Enjoyin ang sarili habang maaga at "unti-unting lunurin sa kasiyahan"? Maaari, oo. Maganda nga din yun at walang masama dun. Ngunit alam naman natin na kahit paano mo enjoyin ang isang laro ng pustahan sa baraha, iisa lang pa rin ang maaaring maging masaya sa huli, at 'yun ay ang nanalo. Ang maaari lamang gawin ng mga natalo ay magmukmok/malungkot, o magkunwaring masayam, upang magmukhang bale wala lang sa kanila ang lahat.
Ngunit mayroong magandang balita dito. Dahil hindi gaya ng tong-its, ang buhay ay hindi naman kailangang mgaing sugal. Hindi na natin kailangang mabuhay nang walang katiyakan at walang kasiguraduhan. Maaari na tayong sumuko habang maaga. Sumuko - hindi sa laban ng buhay - kundi, sa may Bigay ng ating Buhay, isuko ang ating buhay sa Panginoon. . .


Oh. . .bakit nag-iba ang mukha mo? Nakakagulat bang isipin na ang sulating ito ay tungkol sa Kanya? Hindi mo ba ito inaasahan? Okay lang 'yan, ganyan din naman ang pananawa ng marami. Ewan ko ba, pero tuwing pinag-uusapan na Siya, ganoon na lang maka-react ang iba. Heheh, 'wag kang mag-alala, hindi sermon sa misa 'to, isang paalala lang naman. Paalala na ang magulo, marumi, at bulok na mundong ito ay hindi dapat pumigil sa 'tin sa pagtawag sa ating Manlilikha. . .

Dahil sa gitna ng isang masama at imperpektong mundo, kung saan ang lahat ay
walang katiyakan, mayroon tayong Mabuti at Perpektong Diyos, na ang hatid ay
kasiguraduhan.
Libre lang tumawag sa Kanya. Walang mawawala sa'tin sa pagtawag, ngunit maraming mawawala kung patuloy tayong magbibingi-bingihan. 'Nga pala, 'eto hotline Niya. Personalin mo na Siya, dahil personal din Siya sa'y





"Ang paggawa ng mga libro ay walang katapusan, at ang sobrang pag-aaral ay
kapaguran lamang sa katawan. At ngayong ang lahat ay nasabi na at nadinig,
atin
nang pakinggan ang buod ng napag-usapan: Mahalin mo ang Diyos at sundin
ang
Kanyang mga utos, 'pagkat Kanyang hahatulan ang lahat ng mga gawaing
ginawa dito
sa lupa, maging ang mga bagay na ginawa nang patago, mapa-mabuti
man, o masama." (source/pinagkunan)
Oh. . .Pa'no ba 'yan? TONG-IT na ko!

© 2008, Karl Zion M. Remojo

Nakumbinsi ka ba ng iyong mga nabasa?
Were you convinced by what you've read?