Thursday, October 23, 2008

Ang Buhay ay parang Tong-its: Kabanata Dos

Ang Buhay ay parang Tong-its: Kabanata Uno

Balik tayo sa baraha. Kung papaanong hindi tayo maaaring mamili ng mga baraha sa tong-its, kadalasan, sa buhay, hindi din tayo ang namimili ng ating mga responsibilidad. Maaaring habang binabasa mo 'to ay napagtatanto mong tama ang sinabi ko: Ikaw ba ang namili ng kasarian mo? Ikaw ba ang namiling maging panganay ka? Ikaw ba namili ng kurso mo at ng paaralang ginagalawan mo? Ikaw ba namili ng pamilya at lugar kung saan ka pinanganak? Ikaw ba namili ng tatay at nanay mo? Ikaw ba namili ng mga kapatid mo, o 'di kaya'y ng mga anak mo? Ang wikang kinasanayan mo, ikaw ba namili nian? Eh ang ilong mong pango, ang mata mong nakabural, ang kulot mong buhok, ang balat mong sunog, ikaw ba namili ng mga 'yan? Ginusto mo ba yan? Kitam, hindi naman ikaw namili ng mga 'yan 'di ba?





Ang mga bagay na nabanggit sa taas ay ilan lamang sa mga patunay na hindi lahat ng gusto natin ay masusunod at hindi lahat ng mga pinlano at pina-plano natin ay mangyayari. Nakakainis 'di ba? Nakakainis tuwing hindi nangyayari ang mga bagay na gusto natin: Huling episode na ng pinaka-paborito at pinaka-inaabangan mong tele-nobela o anime, tapos biglang nag-brown out sa baranggay nio, ayan tuloy 'di mo napanood; o 'di kaya'y finals na ng liga nio at talagang atat na atat ka nang maglaro, todo warm-up ka na at sobrang sabik nang biglang umulan at hindi natuloy ang laro; o 'di kaya'y may one-time, big-time exam ka kinabukasan at halos 'di ka na natulog para lang tapusing basahin ang sing-kapal ng haloblaks mong libro sa Chemistry para lang marinig ang prof mong magsabing:




"Okay class, canceled exam natin. Enjoy your
vacation!!!"



Oh. . .Matutuwa ka ba o magwawala sa galit? Nakakainis hindi ba? Ngunit kahit gaano nakakainis ang mga bagay-bagay na ito, ito pa rin ang realidad eh. At ito ang dapat nating tanggapin. Isang babala lang mahal na kaibigan, dalawa lang ang kinahihinatnan ng mga taong 'di kayang matanggap ang realidad - maaaring sa sementeryo (suicide) o sa Mandaluyong, sa 'loob' (mental hospital). Kaya kung mahal mo ang buhay mo at mahal mo ang mga mahal mo sa buhay at ang mga nagmamahal sa buhay mo, dapat mong matutunang tanggapin ang realidad na hindi lahat ay kontrolado mo at hindi lahat ng gusto mo masusunod.




Ang isang lumalaking bata o sanggol ay may isang napakahalagang bagay na natututunan. Sa umpisa, kanyang nadidiskubre na napaka-makapangyarihan pala ng kanyang iyak, isang iyak lang niya at ang buong bahay ay taranta na. Isang iyak lang niya at meron na siyang masarap na pagkain o gatas, bagong damit, o bagong laruan. Ngunit habang tumatagal at habang lumalaki siya, kanyang napapansin na humihina ang kapangyarihan ng kanyang iyak. Unti-unti niyang napag-aalaman na hindi lahat ng gusto niya ay kayang ibigay ng kanyang mga magulang. Napag-iisip isip niya na kahit magwala pa siya nang todo-todo, maglupasay sa sahig at magpagulong-gulong, wala pa rin siyang magagawa. Kanyang natututunang tanggapin ang mapait at hubad na katotohanan -

"Hindi lahat ng gusto ko, masusunod."



At sa kanya pang tuluyang paglaki, hindi niya namamalayang kanya na palang ipinapamuhay ang isa sa pinakamahalagang aral sa buhay - Ang Pagtanggap.

© 2008, Karl Zion M. Remojo
Ang Buhay ay parang Tong-its: Huling Kabanata
Nakumbinsi ka ba ng iyong mga nabasa?
Were you convinced by what you've read?

No comments: