Aking narinig dati (o nabasa 'ata, 'di ko na matandaan), na ang buhay umano ay parang isang Rubik's Cube - magulo ngunit may solusyon din at posible pa ring mabuo at mailagay sa ayos sa huli.
Sa aking sariling pananaw naman, ang buhay ay parang tong-its - isang laro sa baraha. Sa tong-its, hindi mo maaaring piliin ang mga barahang makukuha mo, at kapag nagsimula na ang laro at nailagay na ang mga pusta, wala nang atrasan. Gaya ng sinabi ko, hindi mo maaaring piliin ang mga barahang mapupunta sa'yo.
Tulad din sa tong-its, malaki rin ang papel ng 'suwerte' sa buhay. Ang salitang 'suwerte' dito ay nagsasabing hindi natin kontrolado ang lahat. May kasabihan nga sa Ingles na: "Mas mabuti nang maging masuwerte kaysa matalino" ("Better to be lucky than smart"). At minsan, tama nga naman! May mga bobong mayayaman, at may matatalinong namumulubi.

Ngunit hindi lang 'suwerte' ang may malaking papel sa buhay, meron pang isa, at sa aking pananaw, mas malaki ang papel na ginagampanan nito. Ano ito? - Desisyon.
Ang buhay ay puno ng mga desisyon. Punong-puno talaga! Ayon sa mga pag-aaral, ang isang ordinaryong tao daw ay gumagawa ng humigit-kumulang 2,500 na desisyon sa isang araw. "Anong isusuot ko?; Saan ako dadaan?; Babangon na ba 'ko?; Magre-reply ba 'ko sa txt nia?; Saan ako kakain?; Papasok ba 'ko ngayon?" - 'yan at ang ilang libo pang iba't ibang desisyon ang mga kasama natin sa araw-araw. Bawat desisyon at aksyon ay may hatid na reaksyon. Parang sa tong-its: "Ibababa mo na ba ang bahay mo? Eh pa'no kung masapawan? Bubunot ka ba o pupulutin mo ang tapon ng kalaban mo? Eh ikaw, anong tatapon mo?" - mga simpleng desisyon na gaya nito ang magdidikta ng tindi ng pagkapanalo o pagkatalo mo.
Ngunit hindi gaya ng tong-its, ang buhay ay hindi isang laro. 'Yan ang pagkakamali ng marami, ginagawang laro ang isang bagay na hindi biro. Isa sa mga dahilan kung bakit napaka-halaga ng Buhay ay dahil isang beses lang natin ito maaaring gawin. Isang beses lang tayong puwedeng mabuhay. Sa bidyogeym, may 'Play Again' o 'Try Again' kapag na-game over ka. Pero walang ganito sa layf. Ang game over ay game over. Patay, tepok, dedbol, dedz. Period.
May mga bagay na isang beses mo lang puwedeng maranasan: isang beses mo lang siyang puwedeng yakapin; wantaym mo lang siyang puwedeng isayaw; isang beses mo lang silang puwedeng makatawanan; isang beses mo lang siyang puwedeng ngitian. Ito'y maihahalintulad sa pagpunta sa isang ilog. Bawat agos ay kakaiba. Ang isang agos ng tubig na dumaan na sa'yo ay hindi ka na dadaanang muli. Gustuhin mo man itong balikan, hindi mo na ito puwedeng habulin. Isang panibagong agos naman ang darating, tapos panibago, at panibagong muli.
Kung nagbabasa ka ng mitolohiyang Griyego, makikita mo doon na kina-iinggitan ng mga imortal na mga diyos at mga diyosa ang mga mortal na tao. Bakit? Dahil hindi tulad nilang mga imortal na maaaring gawin ang kahit anong bagay sa pamamagitan ng kahit anong paraan, sa kahit anong oras nila gustuhin, ang maaari lamang gawin ng tao ay tanggapin kung ano ang binabato ng tadhana sa kanya. At isa pa, ang tao ay maaari lamang mabuhay sa loob ng kulang-kulang sampung dekada kaya mas alam niyang namnamin ang bawat sandali at maging masaya. Ang katotohanang ito na ang buhay ay maikli at na isang beses lamang tayo puwedeng mabuhay ang nagpapataas sa presyo at halaga ng Buhay.
© 2008, Karl Zion M. Remojo
No comments:
Post a Comment