Mahilig magpalaki at mag-alaga ng magagandang aso ang aking ama --isang bagay na tila likas na sa kanya. Mahal ko ang mga aso ni ama, at itinuturing namin silang bahagi na ng pamilya. Gayunpaman, isang hindi inaasahang bagay ang nangyari. Kung ito man ay maaaring napigilan o hindi, ay hindi ko alam. Nalugi ang dalawang negosyo ni ama at nabaon siya sa maraming utang. Kinakailangang magtipid ng pamilya, at labag man nang todo sa kanyang dibdib, nag-desisyon si ama na isa-isang ipagbili ang kanyang mga alagang aso. Una, dahil kailangan nga namin ng pera, at pangalawa dahil wala na siyang mapakain sa mga ito. Oo, mahal ni ama ang kanyang mga aso, ngunit hindi sa puntong mas mahal niya ang mga ito kaysa kay ina at sa aming magkakapatid.
Bawat linggo, isa sa mga alagang aso ni ama ang kinakailangang mamaalam. Sa puntong ito ng aking buhay, dalawang partikular na aso ang ninais at pinag-desisyunan kong layuan: si Blackie, dahil masyado na itong napapalapit sa akin; at si Brownie, dahil masyado na akong napapalapit sa kanya.
Nakita kong hindi naging manhid sila Blackie at Brownie sa ginawa kong pag-iwas. Naging malungkutin sila. Hindi na sila nagtatatakbo sa hardin gaya ng dati, at napakadalang na nilang makipag-laro sa isa't isa.
Bagama't si Brownie ay isang aso lamang, nakita ko sa kanyang mukha ang tila isang itsura ng pagtataka, na para bagang nagwiwika sa kanyang isip: "Bakit bigla na lang nagbago ang pakikitungo ng amo sa akin? Ano ba ang aking nagawa?" Napakasakit para sa akin ang makita ito, ngunit alam kong magiging mas masakit para kay Brownie, kay Blackie, at sa akin kung hindi ko ito gagawin.
Nilayuan ko si Blackie upang sanayin siya sa pagkawalay niya sa akin, at nilayuan ko si Brownie upang sanayin ang aking sarili sa pagkawalay ko sa kanya. Matapos ang isang linggo, pinagbili na rin ni ama si Blackie, at isang linggo pa matapos nun, ay si Brownie naman. Ako'y tumangis. Ngunit matapos ang aking pagtangis, ako'y napangiti, dahil alam kong balang araw, sa pagyamang muli ni ama, bibilhin ko pabalik si Brownie, sa eksaktong panahon na iyon, muli ko siyang susuyuin at malayang makikipaglaro sa kanya. At hindi na kami kailan man maghihiwalay.
© 2010, Karl Zion M. Remojo
No comments:
Post a Comment