Tuesday, January 19, 2010

"Kung Buhay pa si Rizal. . ."

"Kung buhay pa si Rizal, malamang ay na-impluensyahan na rin siya ng mga kasamaan ngayon." --iyang ay isa sa mga katagang nasabi ng aking kaibigang tsuper na si Sir Eddie (60 taon gulang) nang aming napag-usapan ang tungkol sa korupsyong tila wala nang pag-asang mawala at ang patuloy na pagbagsak ng moralidad ng sangkatauhan.
Sa totoo lang, ako ay nagulat at natigilan sa aking narinig. Marahil kasi ngayon ko lamang narinig ang katagang yaon.

"Noong panahon ni Rizal..." -ang dagdag pa niya. "Wala pang mga night clubs, o mall, o sinehan, o ano pa man na maaaring pagka-abalahan. Pagdating niya sa bahay, eh ano pa nga naman ba ang pinakamaganda niyang puwedeng gawin kundi magbasa nang magbasa, dahil isang gasera lang naman ang meron noon sa kanyang silid. Walang telebisyon, walang radyo. Kaya ang tatalino ng mga tao noon eh!" --ang patawang sabi ng aking kaibigan.
Ang katagang nasa taas ay isang katagang haypotetikal. Walang maaaring makasiguro kung totoo ito o hindi, gawa ng simpleng kadahilanang si Rizal ay patay na. Ngunit isa ang masasabi ko tungkol sa aking kaibigan --May punto siya. Kung sa bagay nga naman, buong pagrespeto sa ating pambansang bayani, si Dr. Jose Rizal ay isang babaero, at ang lahat ng mga historyan niya ay sang-ayon dito. Sinong makapagsasabing kayang layuan ni Rizal ang mga tukso ng mga pubhouse, night clubs, at bars na meron tayo ngayon? O 'di kaya'y sino ang makapagsasabi na si Rizal ay hindi mauunahan pagsuko at tuluyang kawalan ng pag-asa kapag nakita niya ang korupt na gobyerno natin ngayon? Isang gobyernong pinapatakbo --hindi ng mga dayuhan-- kundi ng sarili niyang mga kababayan. Sinong makapagsasabi kung magkakaroon pa ba siya ng pag-asang ipaglaban ang tama o mapapanghinaan na lamang ng loob at sasabay na lang sa agos na siya nga namang mas madaling gawin?

Ngunit ang punto dito ay --Hindi ito panahon ni Rizal eh! Hindi niya ito problema. Ginawa ni Rizal ang kanyang mga magagawa noong panahon niya, oras naman upang gawin natin lahat ng ating magagawa ngayong panahon natin.
Maaari ngang masamang tao na rin si Rizal kung sa mga panahong ito siya nabuhay, at maaari rin namang hindi. Walang nakakaalam, at walang nang maaaring makaalam. Ngunit ang puwede nating malaman ay kung ano ang mangyayari kung nabuhay tayo sa panahong ito... dahil totoo namang nabubuhay tayo sa panahong ito. Minsan, palihim kong naihihiling sa aking isip na sana'y nabuhay na lamang ako noong panahon ni Rizal --noong mga panahong ang mga tao'y marunong pang magpahalaga sa mga bagay na totoong mahahalaga ,at marunong pang magbigay puri sa mga bagay na totoo nga namang kapuri-puri. Gayunpaman, sa mga pag-iisip kong ito, laging pumapasok sa aking ala-ala ang isang usapan sa pagitan ng dalawang pangunahing tauhan sa isang paborito kong nobela:

Frodo: "Sana'y hindi na lang nangyari ang mga bagay na 'to! Sana'y nabuhay na lamang ako sa ibang panahon!"
Gandalf: "Hindi para sa ating mga nilalang ang mamili kung saang panahon tayo mabubuhay. Gayunpaman, ang maaari nating piliin ay kung ano ang ating gagawin sa panahong ipinagkaloob sa atin."

Huwag nating ikumpara ang ating mga sarili kay Rizal. Dahil may sarili siyang panahon. Tulad ni Rizal, gawin din natin ang ating maaaring gawin... sa ating sariling panahon.

2 comments:

Jez said...

Amen to this. Great point.
Moreover, ang galing how you twisted and presented the thought.

KZRemojo said...

Thanks! This came to my mind nung naglalakad ako pauwi. Kaya nung may nadaanan akong KFC, pumasok ako kagad and wrote it there. Good thing I'm always bringing a pen and a paper.

Sabi nga ng GMA: "Dahil may magagawa tayo!" at sabi nga ni Jollibee: "Kaya mo kid!" (hehe)