Mga mahal na kaibigan at kapatid ko kung ituring at tingnan, saan kayo nakakita ng isang taong ipinanganak ng may isang layunin --ang mamatay? O dili kaya'y kaninong tao niyo narinig ang mga katagang "Ang nais ko at layunin ko sa buhay ay mamatay." nang inyo siyang tanungin tungkol sa pangarap niya sa buhay. Sa aking buong buhay, ako'y wala pang nakitang taong ganito ang pananaw. Gayunpaman, mga mahal kong kaibigan at kapatid, ganitong ganito ang ginawa ng isang taong nagngangalang Hesus, mahigit dalawang milenyo na ang nakalilipas. Siya ay ipinanganak sa ating mundo dala-dala ang isang layunin --ang mamatay! Bagama't isang Hari, ipinahintulot ng Kanyang Ama na sa sabsaban siya ipanganak na dala-dala ang iisang mithiin --ang mamatay. Dahil sa bagay na ito, at sa iba pang mga dahilan na kulang ang oras upang aking isa-isahin, tinitingala ko ang taong ito na kung tawagin ng Kanyang mga disipulo ay Kristo. At hindi lamang tinitingala, kundi iniidulo (kung tama man ang aking pagkaka-gamit sa salitang "idulo")! At hindi lamang iniidulo, kundi --sinasamba! Oo, sinasamba ko Siya. Mga kaibigan at kapatid, ako'y hindi na magugulat kung inyong aakalain na ako'y isang baliw. Pagkat may magandang dahilan kayo upang tawagin akong ganun. Pagkat ako'y naniniwala, umiibig, at sumasamba sa taong ito na narinig ko lamang sa mga kuwento, nabasa sa mga libro, at kahit kailan at ni minsan sa aking buhay ay hindi ko pa nakita. Ano pa't hindi ko lamang Siya pinaniniwalaan, akin ring inilagak sa Kanya ang buo kong pagtitiwala. Siguro nga'y baliw na talaga ako. Gayunpaman mga kaibigan at mga kapatid, kung hindi naman din kasama sa listahan ng inyong mga pangarap sa buhay ang mabaliw, ipinapayo kong tanggalin na ninyo sa inyong isip ang taong ito na nagdadala ng Pangalang Hesus, pagkat gagawin lamang Niya kayong mga baliw sa pamamagitan ng pagpapaniwala sa inyo sa mga bagay na hindi naman nakikita ni nahahawakan, at minsan nga, ni hindi nararamdaman. Gayunpaman, sa ganang akin, lubos ang aking kagalakan na Siya ay aking nakilala.
Tuesday, December 29, 2009
"Ipinanganak para Mamatay"
Labels:
Baliw,
Hesus,
idolo,
kamatayan,
Kristo,
layunin,
pagkapanganak,
pananampalataya
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment